Skip to content

Aug-Sept 2010 issue

BABAE KA… Bb. NAUJAN 2010 MATAGUMPAY

Tampok ang SEARCH for Bb. Naujan 2010 na may temang “Pangangalaga sa Kalikasan” bilang bahagi ng muling pagdiriwang ng Kapistahan ng San Nicolas de Tolentino.

Ang patimpalak ay may labing apat na kinatawan mula sa iba’t ibang barangay. Sila ay dumaan sa proseso sang-ayon sa criteria for judging: 40% Innate Talent, 30% Originality, 20% Costumes at 10% Impact.

Ang mga mapalad na nagwagi sa patimpalak ay sina Stephanie Halabi kinatawan ng Barangay Barcenaga bilang Bb. Naujan 2010, Cheerstelle Louize Escalona mula sa Barangay Melgar A- 1st runner up, Aivon Lomio mula Poblacion II-2nd runner up, Jaqueline Didier Loto ng Kalinisan- 3rd runner up at Angelica Grace Genabe mula Antipolo- 4th runner up.

Binigyan diin ng komite na ang pagwawagi sa korona ng Bb. Naujan ay hindi pasaporte upang maging kinatawan ng bayan ng Naujan sa Miss Oriental Mindoro. Sinuman sa kanila o kahit sinumang Naujeña na tumutugon sa pamantayang gagawin ay maaring maging kinatawan ayon sa mapagkasunduan ng komitiba ng Search for Bb. Naujan 2010.

Naging makulay, masaya at makabuluhan ang patimpalak. Dumagsa ang mga tao mula sa iba’t ibang barangay na nakiisa at sumaksi. Kabahagi ng nasabing pagdiriwang ang Punumbayan Maria Angeles Caranzo-Casubuan, Pangalawang Punumbayan Dein Z. Arago, Dumalo rin ang ilang mga kasapi ng Sangguniang Bayan na kinabibilangan nina Kgg. Sheryl B. Morales, Kgg. Great delos Reyes at Kgg. Leo de Villa. Naging bahagi rin ang ilang Department Heads. Ipinamalas din ng mga kasapi ng Local Council of Women ang kanilang partisipasyon sa pamamagitan ng pagganap bilang mga usherettes. Matatandaang naging kaagapay din sila sa iba’t ibang gawain noong nakaraang pagdiriwang ng kapistahan.

Sa pagbibigay ng mensahe ng Hermano Mayor, ORMECO Director Audel Arago, binigyan niya ng diin ang kahalagahan ng ginagampanan ng bawat Naujeño sa pagdaraos ng kapistahan. Wala umanong imposible sa nagkakaisa, payak mang masasabi ang pagdiriwang, makabuluhan naman diumano dahil nakasentro ang pagdiriwang sa Patron San Nicolas de Tolentino na siyang pinararangalan sa pagdiriwang ng nasabing kapistahan.

Sinikap ng lupon ng Search for Bb. Naujan 2010 na maging patas ang patimpalak sa pamamagitan ng maayos na pamantayan at magagaling na mga hurado. Ang tagumpay ng ganitong gawain ay nakasalalay sa mga taong katuwang ng may akda. Pinasasalamatan ang pageant director na si Arnol Rosales sampu ng kanyang mga kasamahan; si Renz Mayores sa pagdesenyo ng mga nagagandahang kasuotan ng mga kandidata at higit sa lahat ang Committee of Solicitation sa pangunguna ni Rhodeliza Peñarroyo na nagsumikap na mapondohan ang gawaing ito upang makapagbigay ng kasiyahan sa mga Naujeño. (VDV)

ARMY-MUNISIPYO, NAGTULUNGAN SA PAGPAPAGANDA NG PAMAHALAANG BAYAN

Akmang-akma ang dalawang nagpang-abot na mga programa na parehong sangay ng pamahalaan. Nagpang-abot ang Bayanihan Landscaping para sa Kalikasan at Kaunlaran (BLKK) ng 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army na may mga aktibidad sa pagpapaganda ng mga landscape ng mga paaralan at iba pang mga gusaling pampubliko at ang layuning pagpapaganda ng ina ng bayan, Mayor Maria Angeles Caranzo-Casubuan sa lahat ng aspeto ng pamahalaang bayan.
.
Ang pagtutulungan ng parehong ahensiya ay nagresulta sa pagpapabuti ng dating landscape na matatagpuan sa harapan ng munisipyo, flagpole at 3 center isle ng kalsada. Napakalaki ang ipinagbago ng nasabing proyekto. Ramdam ng mga bumibisita sa munisipyo ang makakalikasang tanawin.

Sabi ni Col. Johnny Macanas, hindi lamang sa pakikibaka na gamit ang mga sandata ang ginagawa ng mga sundalo, ang pakikibaka nila ay para sa kagali-ngan ng lipunan sa lahat ng aspeto. Ito ang tinatawag niyang holistic approach. “Dapat maramdaman ng mga taga Naujan na babae ang kanilang Mayor”, ito naman ang sabi ni Mayor Angie. Kaya’t mapapansin ng mga bumibisita sa munisipyo ang mga halamang akalain mo’y plastik. “Hindi ‘yan plastik ha”, sabi ni MA Mabelle Gombio sa may-akda habang kinikilatis ang mistulang madayang kulay ng mga ornaments.

Ang Tanggapan ng Punumbayan ay malaki rin ang ipinagbago. Kitang-kita ang mapalamuting silid ng Alkalde. Palibhasa ngayon lamang nagkaroon ng babaing mayor ang munisipyo mula noong panahon pa ng mga Amerikano bago pa ang unang digmaan sa buong mundo (WWI), kaya’t lubos-lubos ang pag-iimis at pagpapaganda.
Ang mga nasilayan ng taumbayang mga mapalamuting kaunlaran ay hindi pag-aaksaya ng pera. Ito ay isang tanda lamang, bilang pinakamadali at pinakamurang kanain sa unang hirit ng panunungkulan ng bagong administrasyon, na committed ang bagong mayor na pagandahin hindi lamang ang kalikasan kundi’y maging ang buhay ng bawat isang Naujeño. Kung ang army ay may holistic approach sa pagbabantay ng kapayapaan at kaayusan, ang munisipyo ay mayroon ding holistic beautification sa lahat ng aspeto ng pamayanang Naujeño. ESL

Advertisements
%d bloggers like this: