Skip to content

July 2010 issue

LAW OF SUCCESSION – ANGIE CASUBUAN ANG PUNUMBAYAN

Tumahimik ang lahat na haka-haka at pagtatalo kaugnay sa uupong punumbayan ng Naujan pagkaraang manumpa si Pangalawang Punumbayan Maria Angeles C. Casubuan sa pwesto ng punumbayan noong Hunyo 30, 2010 ng umaga sa bisa ng “law of succession”.

Isang payak na programa at wala nang maraming kumplikadong pagpapaliwanag ang pinangunahan nina Gng. Amelia L. Ramos, MLGOO, MTC Judge Harry DP Jaminola, at Mayor Wilson A. Viray, Local Governance Transition Team Chairman upang panumpain ang mga bagong halal na mga opisyal sa kani-kanilang mga tungkulin.

Ipinaliwanag ni Gng. Amelia Ramos na sang-ayon sa batas ang pagkakaroon ng dalawang bahagi ng panunumpa sa mga pwesto ng nahirang na pangalawang punumbayan at primera konsehal sa katauhan nina Maria Angeles C. Casubuan at Dein Z. Arago.

Ang unang panunumpa ay nagluklok sa kanila sa pwesto ng kanilang pagkahirang, pagdaka’y nagkaroon ng bisa ang law of succession. Ito ang magsisilbing batayan upang ang bakanteng pwesto ng punumbayan na walang makakapanumpa dahil pumanaw na ang manunumpa rito, ang yumaong Mayor Romar G. Marcos, ay mapunan sa katauhan ng nakaupong pangalawang punumbayan.

Ganap na 11:53 ng umaga ng manumpa si Vice Mayor Ma. Angeles C. Casubuan sa tungkulin bilang punumbayan ng Naujan. Ang naturang pangyayari ay nag-iwan ng bakanteng pwesto ng pangalawang punumbayan, batayan upang ito ay mapunan sa pamamagitan ng panunumpa ni Primera Konsehal Dein Z. Arago.

Sinabi ni MLGOO Ramos na ang nababakanteng ika-walong pwesto ng konsehal ay pupunan sa pamamagitan ng rekomendasyon at nominasyon ng partido ng opisyal na naging sanhi ng vacancy. At ito ang pagbabatayan ng punong lalawigan upang madesisyunan kung kanino nauukol ang ika-walong pwesto. Dagdag pa ni Gng. Ramos, bago pa man mapunta sa mga kamay ng gobernador ng Silangang Mindoro ang mga dokumento ng rekomendasyon at nominasyon, ito ay dadaan muna sa DILG at Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. – ESL


Mayor Maria Angeles Caranzo-Casubuan
Bayan ng Naujan

Vice Mayor “Toti”, isa pang VM Arago ng Naujan

Isa na namang Arago ang umupo sa tungkulin ng pangalawang punumbayan. Sa bisa ng law of succession, nanumpa si Primera Konsehal Dein “Toti” Z. Arago bilang Pangalawang Punumbayan nang bakantehin ni Vice Mayor Maria Angeles C. Casubuan ang naturang pwesto upang punan ang bakanteng pwesto ng Punumbayan na nauukol sa yumaong Mayor Romar G. Marcos.

Tinanggap ni Vice Mayor Dein Z. Arago (incoming) ang gavel mula kay Vice Mayor Ryan Z. Arago bilang tanda ng pagtanggap ng ipinasang awtoridad sa tungkulin. Mapapansing hindi kasali si Vice Mayor Casubuan sa pagpapasahan ng gavel. Isa sa opinyong kadahilanan dito ang kanyang hindi pagsabak at hindi kailanman sasabak na sa responsibilidad ng isang pangalawang punumbayan sa kanyang kasalukuyang termino.

Ang nilisang pwestong primera konsehal ni Vice Mayor Toti ang isa sa mga posisyong lumikha ng kontrobersiya. May kaisipan na nagsasabi na ito diumano ang nabakante dahil nilisan ito katulad ng pwesto ng pangalawang punumbayan.

Ngunit sa araw ding iyon, ang naturang opinyon ay napabulaan sa pamamagitan ng pagpapaliwanang ni MLGOO Amelia L. Ramos na nagkumpirma sa pananaw ni Election Officer Editha E. Trinidad. Ayon sa huli ang lahat na mga nahirang na konsehal ng bayan ay magsiakyatan ng tig-isang hakbang, kung kaya’t ang mababakanteng pwesto ay ang ika-walo. -ESL


Vice Mayor Dein “Toti” Z. Arago

HUNYO 2010–MILESTONE SA KASAYSAYAN NG BAYAN NG NAUJAN

Magiging matingkad at makulay ang Hunyo 2010 sa kasaysayan ng Naujan dahil ang buwang ito ay punung-puno ng mga kauna-unahang pangyayaring pulitikal sa bayan ng Naujan. Noong Hunyo 8, unang naitalang may pumanaw na nakaupong punumbayan sa katauhan ni ex-Mayor Romar G. Marcos. Siya rin ang kauna-unahang punumbayan na naitalang hindi nakatapos ng unang termino. Ang pinakaunang dalawang (2) punumbayan, Carlos Basa, Presidente Municipal (January 7, 1903– March 27, 1903) at Bonifacio Evora, Presidente Municipal (March 28, 1903– May 29, 1903) ay parehong hindi malinaw ang batayan ng kanilang mga maiikling termino ng panunungkulan. Ang pangyayari ito ang naghatid upang manumpa ang Pangalawang Punumbayan Wilson A. Viray sa binakanteng pwesto ni Mayor Marcos. Hunyo 9 nang manumpa si Vice Mayor Viray bilang Punumbayan ng Naujan upang gampanan ang tungkulin ng isang Mayor sa loob ng dalawampu’t isang (21) araw. Maliban kina Marciano Roldan na naglingkod bilang Acting Municipal Mayor (February 28, 1946– March 10, 1946) at Arnulfo Bautista, MGOO-DILG (December 1, 1987– December 7, 1987), siya ang naging kauna-unahang Punumbayan na naglingkod ng may pinakamaikling panahon sa Naujan. Ganundin ang Primera Konsehal Ryan Z. Arago na nanumpa bilang Pangalawang Punumbayan ang naitalang kauna-unahang nakapaglingkod ng pinakamaikling panahon bilang Vice Mayor ng Naujan. Siya rin ang naitalang pinakabata sa lahat na mga vice mayor ng bayan.

Makalipas ng 21 araw bumaba sa tungkulin si Mayor Viray at Vice Mayor Arago upang bigyang daan ang mga bagong halal ng mga Naujeňo. Hunyo 30 nang manumpa ang halal na Pangalawang Punumbayan Maria Angeles Caranzo-Casubuan kasunod ang kanyang muling panunumpa bilang Punumbayan upang punan ang nabakanteng pwesto na nauukol sa yumaong Punumbayan Romar Marcos. Dahil dito, si Mayor Angie Casubuan ang naging kauna-unahang babaeng punumbayan sa kasaysayan ng politika sa bayan ng Naujan.

Kasabay niyang nanumpa ang hirang-Primera Konsehal Dein “Toti” Z. Arago bilang pangalawang punumbayan. Katulad ng pinakaunang pangalawang punumbayan, Bonifacio Evora (January 7, 1903), Si Vice Mayor Toti ay nagsimula na walang karanasan sa Sangguniang Bayan at hindi tulad ng mga nauna sa kanya sa lumipas na dalawang (2) dekada. Bahagi ng oath-taking ceremony ang symbolic turn-over ng mga tungkulin.
Unang naitala sa kasaysayan na magkapatid ang nagpapasahan ng tungkulin ng mga matataas na posisyon ang dalawang Arago na mga anak ng dating OIC Municipal Mayor Audel A. Arago at kasalukuyang Direktor ng ORMECO sa Naujan at Victoria. Hindi tiyak ng kasaysayan ang relasyon nina Leon Garong, Presidente del Township (May 30, 1903-October 15, 1916) at Agustin Garong, Presidente Municipal (October 16, 1916-October 15, 1922).

Unang pangyayari sa Naujan na nagkaroon ng tatlong (3) mayor sa loob lamang ng isang (1) buwan-Marcos, Viray at Casubuan, ang pinakamarami sa kasaysayan ng bayan; apat (4) na vice mayor -Viray, Casubuan at dalawang (2) Arago. May mga pagkakataong nabakante ang ika-walong pwesto ng konseho, pero ngayon lamang naiulat na ito ay inintindi ng gobyerno dahil hindi maaring ito ay manatiling bakante sa darating na 3 taon.
Ang lahat na mga pangyayaring ito ay naganap sa loob lamang ng isang buwan- Hunyo 2010. – ESL

BUWAN NG KALUSUGAN IPINAGDIWANG NG BAYAN

Muling isinagawa ng bayan ng Naujan ang Nutrition Month noong Hulyo 22, 2010 sa MGV Gym. Ito ay naisagawa sa pangunguna ni Mayor Maria Angeles Caranzo-Casubuan at sa pamumuno ni Dr. Mary Jean I. Manalo, Municipal Nutrition Action Officer (MNAO). Tampok ang mga pampasigla at mga malalamang talumpati buhat sa Punumbayan Casubuan, Pangalawang Punumbayan Dein Z. Arago, Kon. Sheryl B. Morales at Gng. Norine Dacula, Provincial Nutrition Action Officer (PNAO). Bagama’t magkakaiba ang mga anggulo ng pagtalakay ng nutrisyon, iisa lamang ang mensahe na ipinararating ng mga talumpati. Ito ay nanawagan sa buong pamayanan ng Naujan na magkaroon ng tamang kaalaman sa nutrisyon. Ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), kawani ng Municipal Health Office (MHO) at maging mga paaralan ay magsisilbing daluyan ng nasabing kaalaman upang ang malnutrisyon ay maiwasan. Hindi lamang sapat diumano na malaman ang tamang nutrisyon, manapa’y kailangan din ng tamang aksyon lalo’t higit sa bahagi ng mga magulang, dahil sila mismo ang may direktang koneksyon sa mga bata.

Kung walang kooperasyon ang mga magulang, magiging walang kabuluhan ang pagpapalaganap ng mga BNS at MHO personnel sa mga kaalamang pangnutrisyon. Pagkalipas ng isang linggo, nagbigay rin ng suporta ang Naujan Academy (NA) sa Nutrition Month sa pamamagitan ng sarili nilang pagdiriwang nito. Makikita ang pagpapahalaga ng NA sa nasabing okasyon sa pamamagitan ng kanilang paghahanda ng selebrasyon. Makikita ito sa mga kasuotan ng mga batang nakaparada na yari sa mga gulay at iba pang mga masustansiyang pagkain. – ESL

PBAA NAGSAGAWA NG 4th INTER-AREA ACTIVITY

Isinagawa ng Paaralang Bayan Alumni Association (PBAA) ang kanilang ika-apat na taunang Inter-Area Activity bilang bahagi ng Alternative Learning System (ALS) program ng Bureau of Alternative Learning System (BALS) ng Department of Education (DepEd). Ito ay maghapong ginanap sa PBAA-Mindoro Folk-Technical Training Center sa Poblacion 1 ng bayang ito noong Hulyo 17, 2010. Layunin ng naturang kaganapan ang pagsasama-sama ng mga Out-of –School Youth (OSY) at mga Out-of-School Adult (OSA) upang magpangilala ang bawat isa; malaman ang mga kakayahan, kasanayan at hiyas; at ang panghuli, magkakaroon ng mga planong gawain sa kani-kanilang mga barangay. Ang mga nagsidalo ay umuwing masaya, maraming natutunan at nag-uwi ng mga regalo at papremyo na kanilang natanggap buhat sa mga patimpalak sa paggawa ng spot map, poster at slogan; essay writing at extemporaneous speech. Tinuruan din sila sa mga wastong kaparaanan sa pagtatanim ng niyog, kalamansi, gabi at balinghoy.

Bahagi ng nasabing programa ang inspirational message buhat kay Mayor Maria Angeles C. Casubuan. Wika ng punumbayan, “mapalad ang mga katulad n’yo na may mga masisipag na nagtuturo at dedicated na taong katulad ng taga PBAA, kasama ninyo ako sa mga adhikaing matuto kayo sa halip na mapabilang sa mga ‘street children’, ipagpatuloy n’yo lamang ang pag-aaral at nasa likod ninyo akong handang sumuporta sa mga programang pangkaunlaran lalung-lalo na sa edukasyon”. Nagsalita rin si Madam Honey P. Manongsong, OIC Administrator ng Naujan Technical College (NTC). Sabi n’ya “priority namin sa kanila na mabigyan ng pagkakataon ang mga Accreditaion and Equivalency (A&E) Passers ng ALS upang makapasok sa NTC…kami ay nakikipagtuwang sa PBAA..nakakahiram sila ng mga gamit ng NTC tulad ng grass cutter. Marami pong mga suportang ipinagkaloob ang NTC sa PBAA dahil sa kanila unang nakita ang pagpapahalaga ng mga kaalamang kanilang ibinabahagi. Ito ang dahilan kaya nabuo ang NTC. Ako ay mula rin sa PBAA kaya ang puso ko ay kasama parin nito.

Sumuporta rin ang sektor ng barangay. Si Kapitan Allen Aceremo ng Estrella ay halos kalahating araw na nagbuhos ng panahon sa nasabing gawain. Tumulong rin siya sa paggawa ng spot map. Lubos na nagpapasalamat ang PBAA sa lahat ng mga nakibahagi at sumuporta, lalo’t higit sa Pamahalaang Bayan ng Naujan. Dahil sa kanilang pinasyal na tulong, naging matagumpay ang nasabing gawain. – Cresencia G. Villena/ESL

LCW BUMALANGKAS NG PLANO PARA SA 2011

Nagpulong ang lokal na konseho ng kababaihan o Local Women’s Council (LCW) sa pangunguna ni Kon. Vilma D. Vargas noong Hulyo 20, 2010 sa SB Session Hall. Layunin ng hindi pangkaraniwang pagpupulong ang paggawa at pagrepaso ng taunang plano para sa 2011.

Kaalinsabay ng naturang pagpupulong ang pagpapakita ng nasabing konseho sa bagong punumbayan, Kgg. Maria Angeles C. Casubuan para sa mas epektibong pagpapatupad ng programa para sa mga mamamayan ng Naujan, lalo’t higit ang sektor ng kababaihan. Sa kanilang dialogo ipinangako ng butihing punumbayan ang kanyang suporta sa mga ipinanunukalang mga programa para sa kapakanan ng mga kasapi.
Sa pitumpong (70) barangay, mayroon nang 38 barangay na may matatag na samahan ng mga kababaihan. Ang mga ito ay naging katuwang ng mga barangay sa pagsasakatuparan ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, ekonomiya at iba pang mga programang kagalingang panlipunan.

Kabilang sa mga programang inilunsad ay ang skills training sa soap making. Isa rito ay ang katatapos lamang na naisagawa sa Barangay Pinagsabangan I. Ito ay susundan sa darating na Agosto 21 at 22, 2010 na gaganapin sa Barangay Barcenaga. Ito ay bilang tugon sa layunin ng konseho na magkaroon ng maramihang produksyon sa paggawa ng mga sabon at diswashing liquid para sa sapat na dami na maaring kakailanganin ng mga costumer. Kasama sa hinahangad ng grupo ang pagkakaroon ng isang tindahan sa hi-way na magsisilbing bagsakan ng produksyon ng nasabing proyekto.

Ang samahan ay nagpasa rin ng isang resolusyong humihingi sa provincial government sa pamamagitan ni Gob. Alfonso “PA” Umali Jr. ng pondo para sa pagpapatayo ng isang gusali para sa epektibong pagpapatupad ng mga programa ng konseho. Buo ang suporta ng pamahalaang bayan sa mga nasabing aktibidad. Ang Pambayang Tanggapan ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad sa pangunguna ni MSWDO Abstenencia De Guzman, ay katuwang ng mga kababaihan sa pagpapatatag at muling pag-oorganisa ng mga hindi aktibong konseho at wala pang organisadong konseho sa nalalabing 32 na barangay.

Ang pangkalahatang layunin ng samahan ay ang tuluy-tuloy na pagpapamulat ng kamalayan ng kababaihan at kalalakihan sa pantay na karapatan kasama na ang pagkakabuklud-buklod ng mga magkakaugnay na mga serbisyo at programa para sa iba’t ibang samahan tungo sa ika-uunlad ng mga kasapi.

Ang mga payak na layunin: Makapagbigay ng mga pag-aaral at pagsasanay ukol sa pantay na karapatan ng kababaihan at kalalakihan; Magkaroon ng iba’t ibang pagsasanay tungkol sa iba’t ibang uri ng hanap buhay upang magkaroon ng karagdagang kita ang pamilya; Makapaglikom ng puhunan upang maipahiram sa mga kasapi para sa mga proyektong pangkabuhayan; Maging tagapag-ugnay sa mga gawain ng iba’t ibang mga samahan; Katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng mga programa; Makapagpatayo ng isang gusali na magsisilbing tanggapan at lugar ng pagsasanay ng mga kababaihan at kalalakihan na libre sa pamamagitan ng tulong ng pamahalaang lokal at panlalawigan; Maging katuwang ng lokal na pamahalaan sa larangan ng legislatura para sa kapakanan ng mga kababaihan, kabataan at mga bata. Sa nalalabing limang buwan para sa taong 2010, inaasahan na marami pang pagsasanay at proyekto ang mailulunsad ng lokal na konseho sa tulong ng lokal na pamahalaan. – Coun. VDV

Advertisements
%d bloggers like this: